Pinapatiyak ni Senator Joel Villanueva sa Metro Manila Development Authority (MMDA) na malulutasan ng panukala nitong modified Unified Vehicle Volume Reduction Program o number coding scheme ang economic costs ng trapiko sa Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 1.
Tinukoy ni Villanueva ang report noong 2018 ng Japan International Cooperation Agency na dahil sa problema sa trapiko sa Metro Manila ay 3.5 billion pesos kada araw ang nawawala sa ating ekonomiya at tinatayang aakyat sa 5.4 billion pesos kada araw pagdating ng taong 2035.
Ayon kay Villanueva, makakabuting dinggin ng MMDA ang mga rekomendasyon ng mga economic manager tungkol sa epekto ng nabanggit na plano sa negosyo at manggagawa.
Nais din ni Villanueva na linawin ng MMDA sa Metro Manila Council na hindi maaagrabyado ng modified coding scheme ang mga commuters at ang pagsulong ng ekonomiya.
Hiling ni Villanueva sa MMDA, maghain ng mas magandang at mga alternatibong public transportation kung babawasan ang trapik para matiyak na may masasakyan ang mga tao lalo na ang mga manggagawa.