
Hindi na tent city kundi modular shelter units na ang ipatatayo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mga biktima ng 7.4 magnitude na lindol sa Davao Region.
Sa situation briefing sa Tarragona, Davao Oriental, sinabi ng pangulo na layunin nitong masiguro ang komportable at ligtas na tirahan para sa mga pamilyang nawalan ng bahay.
Ayon sa pangulo, nasa 150 na modular shelter units ang ipatatayo sa lugar.
Ipinunto ng pangulo na noong tumama ang 6.9 magnitude na lindol sa Cebu, tent city ang ginamit ng pamahalaan pero ngayon mas maayos, mas matibay, at pangmatagalang modular shelters ipatatayo.
Target ng pangulo na mailipat na sa Lunes ang mga apektadong residente sa mga bagong shelter.
Ang bawat modular shelter ay may banyo, suplay ng tubig at kuryente, at common kitchen upang matiyak ang maayos na pamumuhay ng mga biktima habang bumabangon muli.









