MODUS | Chinese national, huli sa pagbebenta ng pekeng gadget sa Cavite

Cavite – Arestado ang isang Chinese national matapos bentahan ng mga peke at sirang gadget ang ilang residente sa Barangay Panapaan, Bacoor, Cavite.

Kwento ng biktimang si alyas Annie, binentahan siya ng cellphone ng suspek na si Bangrong Huang matapos maubos ang pera nito nang matalo sa casino.

Pero nang subukan na niya ang cellphone, namamatay ito kapag pinapasukan ng sim card habang ang laptop naman ay walang ma-download na application.


Dito na hinabol ni Annie ang suspek at maswerteng naabutan niya ito na binebentahan din ang isa pang residente.

Ayon naman kay Superintendent Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor police, posibleng may kasabwat ang suspek at siya lang ang naglalako ng mga sirang gadget.

Aniya, nagpadala na sila ng sulat sa pamunuan ng dalawang brand para masuri ang mga gadget.

Isinailalim na rin sa inquest proceedings ang suspek na nahaharap sa reklamong swindling.

Nanawagan naman ang mga pulis sa iba pang nabiktima ni Huang na dumulog sa kanilang istasyon para sa karagdagang kaso laban sa suspek.

Facebook Comments