Manila, Philippines – Binalaan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga Filipino workers na nagtatrabaho sa Macau laban sa mga iniaalok na trabaho sa mainland China.
Ang babala ay kasunod ng report na isang Filipina household service worker sa Macau ang ni-recruit ng kapwa Pinay para magtrabaho sa Beijing, China
Sa impormasyon mula sa Department of Foreign Affairs, natanggap ang nasabing OFW bilang household worker din sa China pero hindi siya sinuswelduhan ng kanyang employer at kinumpiska pa ang kanyang cellphone at maging ang kanyang pasaporte.
Ayon sa POEA ang Pinay recruiter na kinilalang si Pia Ciabacal ay isang agent sa isang Chinese recruiter na kilala sa alyas na “Fancy.”
Si Ciabacal at iba pang agents ang nagre-recruit sa ilang OFWs mula Macau at pinapangakuan ang mga ito ng magandang trabaho at sweldo sa China pero pagdating nila doon ay hindi naman sila bibigyan ng sweldo ng kanilang mga Chinese employers.
Babala ng POEA, ang recruitment sa pamamagitan ng third country ay maikokonsiderang iligal.
Kasunod nito pinapayuhan ng POEA ang ating mga kababayan sa ibayong dagat na makipagtransaksyon lamang sa licensed recruitment agencies nang sa gayon ay hindi mabiktima ng human trafficking.
MODUS? | POEA, nagbabala sa mga OFWs sa Macau hinggil sa naglipanang job offers sa China
Facebook Comments