Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagtagas ng molasses o syrup sweetener sa katubigan na malapit sa Sagay Feeder Port, sa Sagay, Negros Occidental.
Ayon sa PCG, agad silang rumesponde matapos makita ng mga tauhan ng pantalan ang pagbabago ng kulay sa baybayin sa paligid ng MT Mary Queen of Charity.
Nasa 300 metriko tonelada na raw ng molasses ang naikarga sa barko nang mapansin ang pagtagas nito sa karagatan.
Sa ngayon, nakapagsagawa na ng water sampling ang mga awtoridad habang nagpapatuloy ang mga operasyon upang mapigilan ang pagkalat ng molasses.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PCG sa City Environment and Natural Resources o CENRO at lokal na pamahalaan para sa karagdagang hakbang.
Posible namang magsampa ng marine protest laban sa nasa likod ng pagtagas nito sakaling mapatunayang may naging kapabayaan.