
Pinaiimbestigahan ni Sen. Imee Marcos ang umano’y money delivery scheme na kinasasangkutan ng 18 dating military personnel na tauhan ni dating Cong. Zaldy Co, gayundin ang napaulat na koordinasyon ng ilang opisyal ng gobyerno sa International Criminal Court (ICC).
Inapela ni Marcos sa mga dating marines na nagsiwalat ng alegasyon na humarap sa Senado upang mapanumpaan at maging opisyal ang kanilang mga pahayag.
Matatandaang sa isang press conference, inamin ng mga dating military personnel na nagsilbi silang personal assistants at security consultants ni Co, at bahagi umano ng kanilang trabaho ang pagde-deliver ng mga maleta na naglalaman ng pera.
Kabilang sa mga umano’y pinagdalhan nila ng pera sina Co; dating House Speaker Martin Romualdez; dating Budget Secretary Amenah Pangandaman; dating Public Works Secretary Manny Bonoan; National Security Adviser Eduardo Año; at maging sa bahay nina Pangulong Bongbong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos, kung saan si Presidential Son at Congressman Sandro Marcos umano ang tumanggap ng pera.
Samantala, nakasaad din sa resolusyon ang pagsilip sa alegasyon ng mga dating militar na noong December 2023 at mga taong 2024 at 2025 ay inutusan umano sila upang sumundo ng ilang dayuhan na galing sa International Criminal Court (ICC) at sinagot pa umano ng isang dating senador ang accommodation at transportasyon ng mga ito.
Binanggit din sa resolusyon na si dating Sen. Sonny Trillanes umano ang in charge sa pagdating ng mga dayuhan, at nagkaroon pa ng pulong sa bahay ni dating Justice Secretary at ngayo’y Ombudsman Jesus Crispin Remulla kasama si Trillanes at si PGen. Nicolas Torre III.










