MONEY LAUNDERING | Janet Lim Napoles at 5 kamag-anak, hinatulang guilty ng US court

Manila, Philippines – Hinatulan ng US Federal Grand Jury ang tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim-Napoles at limang kamag-anak niya dahil sa pagsasabwatan para mailabas-masok sa Amerika ang malaking halaga ng salapi na pinaniniwalaang maanomalya nilang kinita.

Maliban kay Janet Lim Napoles, kabilang sa mga hinatulan ng US Court na guilty sa kasong conspiracy to commit domestic and international money laundering ay sina, Jo Christine Napoles, James Christopher, Jeane Catherine, Reynald Luy Lim at Ana Marie Lim.

Ayon sa US Department of Justice, ang $20 million na inilabas-masok sa Amerika ng pamilya Napoles ay nakuha nila sa maanomalyang paggamit ng priority development assistance fund ng mga mambabatas sa Pilipinas sa pakikipagsabwatan sa mga opisyal ng gobyerno.


Ang $20 million ay unti-unting ipinadala umano sa Pilipinas sa pamamagitan ng money remitters at pagkatapos ay inihulog sa bank accounts sa Southern California at saka ipinambili ng real estate, negosyo, mamahaling sasakyan at ginamit panggastos nina Jeane Napoles, Reynald Lim at Ana Lim na nakatira sa Amerika.

Nakikipag-ugnayan na ang US Department of Justice sa counterpart nila sa Pilipinas para ma-extradite sa Amerika ang mga nahatulan kabilang na si Janet Napoles.

Sa ngayon, umaabot sa $12.5 million na pag-aaring real estate ni Napoles sa Southern California ang hawak ng US Attorney’s Office at sumasailalim sa civil forfeiture case.

Sakaling tuluyang iutos ng korte ang forfeiture o pagbawi sa mga ito, makikipag-ugnayan ang US sa Pilipinas para maisauli ang nakaw na yaman sa pamahalaan.

Facebook Comments