Monitoring system laban sa deepfake at online scam messages, ilulunsad ng DICT

Asahang mababawasan na ang mga deepfake content online at scam messages dahil maglulunsad ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ng monitoring system para dito.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DICT Sec. Henry Aguda na nakikipag-ugnayan na sila sa technical at legal team ng mga telco company, para sa framework ng isang unified dashboard — kung saan makikita ng “real-time” ang pagtatanggal ng mga kumpanya sa mga ilegal na aktibidad.

Pinaplantsa na rin ng ahensya ang mga detalye para dito at aktibong babantayan ang pagresponde ng mga telco at social media platforms.

Bubuo ang mga telco ng technical designs, habang trabaho ng National Telecommunications Commission (NTC), Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), at National Privacy Commission (NPC) ang pagbuo ng polisiya at regulasyon.

Ngayong buwan inaasahang matatapos ang pinal na disenyo ng unified dashboard, na planong ipatupad sa Hulyo.

Facebook Comments