Monitoring teams para sa COVID-19 vaccine users, bubuuin – FDA

Maglalatag ang pamahalaan ng matibay na surveillance mechanism para sa mga makakatanggap ng COVID-19 vaccines sa bansa.

Ito ay matapos mabigyan ang Food and Drug Administration (FDA) ng kapangyarihan na mag-isyu ng emergency use authorization (EUA) para sa bakuna at gamot laban sa coronavirus.

Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, mayroong bubuoing team para sa post-authorization sa ilalim ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH).


Mayroon ring regional teams ang magmo-monitor sa posibleng adverse effects ng COVID-19 vaccines.

Ang makukuhang impormasyon ng mga team ay ipapadala sa central office at dito kikilos ang DOH at FDA na magsagawa ng imbestigasyon at konsultasyon sa World Health Organization (WHO) at iba pang counterparts abroad na gumagamit ng bakuna.

Ang benepisyo ng potensyal ng bakuna at gamot sa COVID-19 ang dapat mangibabaw bago mabigyan ng EUA sa Pilipinas.

Inaasahan din ng FDA na maraming mag-a-apply na vaccines developers para sa EUA.

Ang COVID-19 vaccine ay posibleng maging available at handa para sa distribution sa Pilipinas sa Marso ng susunod na taon.

Facebook Comments