Naniniwala ang isang eksperto na walang indikasyong magiging endemic sa bansa ang monkeypox.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Dr. Edsel Salvania, isang infectious disease expert na bagama’t sa ibang mga bansa ay unang pagkakataong naging endemic ang monkeypox, napatunayan namang may gamot laban dito.
Ayon kay Salvania, mas mabagal ang paglabas ng sintomas ng monkeypox kesa sa COVID 19.
Pangkaraniwan aniya ay inaabot ng tatlong linggo bago lumabas ang sintomas ng monkeypox kaya mabagal din ang pag-detect nito pero hindi ito masyadong nakahahawa kumpara sa COVID-19.
Magkagayunpaman, mayroon din aniyang ilang indikasyon na may asymptomatic spread ito, kaya ang kailangan ay paigtingin ang health protocols at maging mas vigilant sa pag-detect nito.
Ayon kay Salvania, kakaiba ang ipinakikitang pagkalat ng monkeypox kaya deklarado ito ng World Health Organization na public health international concern.
Gayunpaman, may mga advanced na paraan na rito sa bansa na ginagamit sa COVID-19 ang ina-adapt na rin ngayon o ginagamit laban sa monkeypox.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Salvania na mahigpit ang koordinasyon nila sa Department of Health maging sa iba pang mga dalubhasa para magkatuwang na turuan ang publiko hinggil sa pagiging mapag-obserba sa mga sintomas ng monkeypox at ang patuloy lamang na pag-monitor sa mga kaso.