Monopolyo sa bansa, posibleng mawala na kapag naisabatas ang amyenda sa Public Service Act

Tiwala si House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na makakatulong ang amyenda sa Public Service Act (PSA) para mawala na ang nakasanayang monopoly at oligopoly sa bansa.

Ayon kay Salceda, ang pangunahing benepisyo sa ekonomiya ng amyenda sa PSA ay nabibigyan ang bansa ng patas na kompetisyon sa pagitan ng mga negosyo.

Ito ay dahil binubuksan ang lahat ng economic sectors sa 100% foreign direct investment maliban na lang sa mga public utilities tulad ng kuryente, tubig, public transportation at iba pa.


Humihimok din aniya ito sa mga local players na pag-ibayuhin at itaas ang kalidad ng serbisyo at ibaba ang mga singil dahil sa kompetisyon ng mas marami pang kumpanya o negosyo.

Naniniwala pa ang mambabatas na “biyaya” pang maituturing ito sa mga consumers dahil marami na silang mapagpipiliang serbisyo sa mas murang halaga.

Sa susunod na limang taon ay inaasahan ang P299 billion na paglago sa foreign direct investment at pagtaas din sa GDP growth rate ng bansa.

Facebook Comments