Nagsagawa ng inspeksyon ang batikang direktor na si Bb. Joyce Bernal sa Batasan Complex partikular sa loob ng plenaryo.
Sa ikalawang pagkakataon na magdidirek ito sa SONA ay nais ni Bernal na maging mas maliwanag at puno ng pagasa ang ika-apat na State of the Nation Address ni Pangulong Duterte sa July 22.
Sinabi ni Bernal na gusto niyang “hopeful” at “good” ang magiging kalalabasan ng SONA ng Presidente at walang imahe ng dibisyon mula sa mga dadalo.
Nais ding gawing mas maliwanag ng direktor ang ambiance sa SONA dahil medyo madilim aniya ang kinalabasan ng mga nagdaang ulat sa bayan ng Pangulo.
Tiningnan din nito ang mga ilaw pati na kung saan ipupwesto ang nasa 20 camera at balak na maglagay din ng mga habi mula sa Mindanao o Mountain Province pero depende ito kung papayag ang PSG at ang Kamara.
Aminado naman ang direktor na wala na siyang kontrol sa kung anuman ang mga sasabihin at lalamanin ng SONA ng Pangulo.