Nanawagan ang ilang mga kongresista sa mga bangko na magpatupad ng moratorium sa pagbabayad ng utang o bigyan ng credit relief sa mga loans ang mga apektado ng ipapatupad na community quarantine dahil sa COVID-19.
Hiling ni Bagong Henerasyon Partylist Representyaive Bernadette Herrera sa mga bangko ay magpatupad muna ng moratorium o huwag munang singilin kahit nang isang buwan ang mga may-utang.
Isa pa sa inihirit ng lady solon ay ang pagbibigay din ng discount o hindi pagpapataw ng interes o multa sa mga may utang na “in good standing” o regular namang nakakapagbayad.
Umapela naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas si Barangay Health Workers Party-list Rep. Angelica Natasha Co na ipatupad ang credit-relief sa mga kliyente lalo na sa mga biktima ng pagputok ng Taal, lindol at ngayon naman ay COVID-19 pandemic.
Hindi aniya pangkaraniwan at mahirap para sa mga kababayan ang epekto ng sunod-sunod na kalamidad na sinundan pa ng epekto ng coronavirus.
Mahalaga aniyang mabigyan ng credit-relief ang mga tao lalo pa at may ilang manggagawa at empleyado na maaapektuhan sa ipapatupad na community quarantine bunsod ng pagsasara ng mga establisyimento at paglimita sa bilang ng mga nagta-trabaho.