Moratorium kaugnay sa pagkakaloob ng ranggong Career Executive Service sa mga nagtapos sa National Defense College of the Philippines, inilabas ng Malacañang

Nagisyu ng moratorium ang Malacañang tungkol sa pagkakaloob ng ranggong Career Executive Service (CES) sa mga graduates ng National Defense College of the Philippines (NDCP).

Sa isang Memorandum Circular No.35 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang Oktubre 2, sinuspinde nito ang Executive Order (EO) No. 145 na ipinalabas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2021 habang inaaral pa ang policy implications nito.

Nakapaloob sa memo ang suspensiyon ay ipapatupad habang nagsasagawa rin ng konsultasyon sa mga stakeholders, kabilang ang NDCP, sa pangunguna ng Career Executive Service Board (CESB).


Sa ilalim ng EO ni dating pangulong Duterte, awtomatikong makakakuha ng ranggong Career Executive Service Officer o CESO rank ang mga nagtatapos ng Master of National Security Administration o MNSA program sa NDCP.

Ngunit binigyang diin sa bagong memo ng Palasyo na may pangangailangang i-re-evaluate ang polisiyang ito para masigurong nakabatay ito sa mga umiiral na batas at rules and regulations.

Kaugnay nito, inutusan naman ang CESB na magsumite ng comprehensive report sa Office of the President (OP), sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary (OES), sa loob ng 60 araw kalakip ang mga rekomendasyon kung naaangkop bang tanggalin ang moratorium o kaya’y tuluyan nang bawiin ang EO 145.

Facebook Comments