Hiniling ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun sa Department of Education (DepEd) at sa Commission on Higher Education (CHED) na tulungan ang mga pribadong paaralan sa buong bansa na huwag magtaas ng matrikula para sa School Year 2021-2022.
Apela ng kongresista sa mga private school, magpatupad muna ng moratorium para sa dagdag na matrikula sa susunod na pasukan.
Ayon kay Fortun, kumikilos naman ang Kamara para maayudahan ang private schools upang makatawid at hindi magsara sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ilan sa mga ito ang pagsama sa mga pribadong paaralan sa pandemic tax rate, non-cash assistance, non-tax incentives at cash aid ng pamahalaan.
Partikular na hinikayat ni Fortun ang Department of Labor and Employment (DOLE) na isama ang mga maliliit na pribadong paaralan sa Bayanihan cash aid programs gayundin ang pagbuo ng Inter-Agency Task Force (IATF) ng non-tax incentives na makakabawas sa operation costs ng mga private school.