Umaapela si House Committee on Metro Manila Development Chairman Manuel Lopez na magpatupad muli ng “moratorium” sa disconnection o pagpuputol ng linya ng kuryente habang nagpapatuloy pa rin ang COVID-19 pandemic.
Ang panawagan ay kasunod na rin ng pagkatig ni Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng Department of Energy (DOE) na palawigin ang “no disconnection policy” hanggang ngayong buwan para sa mga costumer ng kuryente na lifeliners o ang may mga konsumo ng kuryente na hindi tataas sa 100 kilowatt-hours.
Giit ni Lopez, mahalagang magpatupad muna ng moratorium sa pagpuputol ng linya ng kuryente dahil marami sa mga power consumers ay hindi pa kayang magbayad nang buo matapos na mawalan ng kabuhayan at trabaho.
Maliban sa kuryente, umapela rin ito na wala munang putulan ng suplay ng tubig.
Nagawa naman aniya ito sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2, kaya mainam na ituloy pa rin ang suspensyon ng putulan ng kuryente at tubig para makatulong sa maraming tao na bumabangon pa lamang sa epekto ng pandemya.