Kinalampag ni Bayan Muna Representative Carlos Zarate ang pamahalaan na magpatupad muna ng moratorium sa koleksyon ng mga loans o utang ng mga magsasaka na lubhang naapektuhan ng nagdaang Bagyong Ursula.
Ayon kay Zarate, dapat lang na magkaroon muna ng pagpapatigil sa paniningil ng utang ng mga magsasaka dahil umabot sa P1.35 Billion ang pinsala sa agrikultura dahil sa bagyo.
Bukod sa pagpapadelay muna ng mga public at private na nagpapautang sa mga magsasaka, pinapa-wave din muna ni Zarate ang bayad sa mga penalties at surcharges sa mga buwang naka-moratorium.
Umapela din siya sa financial institutions na Land Bank at Development Bank of the Philippines na pangunahan ang implementasyon ng moratorium sa bayad sa loan, penalties at charges ng mga magsasaka bilang tulong na rin sa mga biktima ng bagyo.
Base sa tala ng Department of Agriculture Disaster and Risk Reduction Management Operation Center, 29,056 ektarya ng pananim ang napinsala ng bagyo at 79,752 magsasaka ang naapektuhan sa Mimaropa , Bicol Region, Western, Central at Eastern Visayas.