Moratorium sa pagbabayad ng loan o utang ng mga apektado ng lindol, inihirit ng isang kongresista

Hiniling ng ilang kongresista ng Kamara sa mga kaukulang ahensya na magpatupad muna ng moratorium sa pagbabayad ng loan o utang ng mga myembrong apektado ng magnitude 7 na lindol sa Hilagang Luzon.

Partikular na nananawagan si Pinuno Partylist Rep. Howard Guintu sa Pag-IBIG, Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), National Housing Authority (NHA) at sa iba pang ahensya ng pamahalaan at mga key shelter agency na magdeklara muna ng loan moratorium upang makatulong sa mga kababayang apektado ng lindol.

Maliban dito ay umapela rin ang mambabatas sa mga pribado at pampublikong bangko, lending agencies at financial institutions na bigyan ng palugit ang pagbabayad sa utang ng mga biktima ng kalamidad.


Malaking tulong aniya ito para makabangon ang mga kababayan mula sa iniwang pagkasira sa kabuhayan at ari-arian ng lindol.

Hinihikayat din nito ang mga lokal na pamahalaan na magdeklara na ng ‘state of calamity’ sa kanilang mga lugar na niyanig ng lindol upang sa gayon ay magkaroon ng mekanismo para makapangutang ang mga kababayan sa pamamagitan ng calamity loans ng Pag-IBIG, SSS at GSIS.

Facebook Comments