Umapela si Assistant Majority Leader Julienne Baronda sa Kamara na palawigin pa ang moratorium sa loan payments sa pabahay ng pamahalaan.
Ayon kay Baronda, sa halip na hanggang tatlong buwan ay i-extend pa ng mas mahabang panahon o mga ilang buwan ang moratorium sa pagbabayad ng mga hinuhulugang housing units.
Malaking tulong aniya ang pagpapalawig ng moratorium lalo na sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na napilitang umuwi ng bansa at walang hanapbuhay.
Hinikayat din ng lady solon na maglatag ng mas epektibong mekanismo para sa application at identification ng mga benepisyaryo ng Balik Probinsiya, Bagong Pagasa Housing Program upang mapalakas pa ang nasabing programa.
Inihirit din ni Baronda sa mga kongresista na pag-aralan na dagdagan ang pondo ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) upang mas matugunan ang housing gap sa bansa.
Sa 2021 ay nasa ₱3.68 billion lamang ang inaprubahang pondo ng Budget Department sa DHSUD na lubhang mababa kumpara sa ₱77.060 billion na proposed budget sana sa susunod na taon.