Moratorium sa paniningil ng student loan tuwing may kalamidad, ipinaalala ng isang senador

Pinaalalahanan ni Senator Chiz Escudero ang mga higher education institutions (HEIs) tungkol sa moratorium o hindi paniningil ng utang sa mga estudyante tuwing may state of calamity.

Giit ng senador, nakapaloob sa Republic Act 12077 o Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act na bawal sa mga unibersidad, kolehiyo, at mga technical-vocational institutions na mangolekta ng mga utang ng mga estudyante sa panahon ng state of emergency o calamity at maging sa loob ng 30 araw matapos alisin ang emergency.

Ipinunto ng senador, isa sa mga may-akda at sponsor ng batas, na hindi dapat maging dahilan ang kawalan ng pambayad ng matrikula para matigil ang pag-aaral ng mga estudyanteng biktima rin ng mga kalamidad at sakuna.

Ang pag-avail din ng moratorium ay hindi dapat makaapekto sa eligibility ng isang mag-aaral na maka-enroll sa mga susunod na semestre.

Hinihimok din ng batas ang mga higher education at tech-voc institutions na alukin ng payment relief o assistance program ang mga estudyanteng biktima ng kalamidad upang mapagaan ang pagbabayad sa kanilang mga utang.

Facebook Comments