Umaapela si Assistant Majority Leader at Quezon City Representative Precious Hipolito-Castelo sa mga kapwa opisyal ng pamahalaan na magpatupad muna ng moratorium sa pulitika.
Hinikayat ni Castelo ang mga pulitiko na isantabi na muna ang anumang usapin at isyu sa pulitika at sa halip ay harapin muna ang tumataas na namang bilang ng kaso ng COVID-19.
Aniya, ang pulitika ay nakasisira sa paglaban ng bansa sa iisang kaaway na pandemya.
Kung magpapatupad ng moratorium sa pulitika ay mas magkakaroon ng focus ang pamahalaan sa paggamit sa mga resources at efforts kung paano tutugunan ang problemang isang taon nang nagpapahirap sa bansa.
Paalala pa ng mambabatas, ang paglaban sa COVID-19 ay hindi lamang trabaho ng health sector kundi ito ay responsibilidad din ng mga nakaupo sa pwesto.
Binigyang-diin pa ng kongresista na mas dapat iprayoridad ngayon ng mga opisyal ang pagtugon sa biglang pagtaas nanaman ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa at pagpapabilis sa rollout ng bakuna.