Hindi pinaboran ng Korte Suprema ang naging mosyon ng isang abogado hinggil sa isyu ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Sa inilabas na resolusyon ng Supreme Court en banc, na-denied ang motion to intervene na inihain ni Atty. Alex Lopez kaugnay sa kasong inihain ng Kilusan sa Pagbabago ng Industriya ng Transportasyon Inc. (KAPIT) laban sa Sangguniang Panlungsod ng Maynila.
Inihain ang kaso dahil sa isyu ng pagpapatupad ng Manila Local Government Unit (LGU) ng NCAP kung saan kasalukuyan itong nakabinbin sa Korte Suprema.
Matatandaan na una nang naglabas ang Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) sa implementasyon ng NCAP sa limang lungsod sa Metro Manila kung saan kabilang dito ang lungsod ng Maynila.
Napag-alaman pa na lumalabas sa record ng Korte Suprema na ang petitioner o ang KAPIT ay hindi natanggap ang sulat mula sa korte dahil sa hindi tama ang address kaya inatasan sila na ayusin ito sa loob ng sampung araw.
Nabatid na dahil sa nasabing problema o pagkakamali ng petitioner, nais manghimasok ni Lopez kaya ito naghain ng mosyon.