Ibinasura ng DOJ panel ang mosyon ng mga respondents sa kasong sedition na isinampa ng PNP-CIDG sa DOJ kaugnay ng “Ang Totoong Narcolist” video.
Partikular ang mosyon ng kampo nina Bise Presidente Leni Robredo, at ng iba pang personalidad na humihiling na alisin na sa mga pagdinig sa kaso ang office of solicitor general o OSG.
Sa resolusyong pinalabas ng DOJ panel, sinabi nito na wala silang kapangyarihan na idiskwalipika ang OSG bilang abogado ng PNP-CIDG.
Ibinasura din ng DOJ panel ang mosyon na humihiling na suspendihin ang pagdinig.
Ayon sa DOJ prosecutors, kumpleto na at sapat na rin anila ang mga dokumento at complaint ng CIDG para isagawa ang preliminary investigation at naisumite na rin ang mga ebidensya laban sa respondents.
Samantala, pinagbigyan naman ng DOJ panel ang mosyon para sa kahilingang ekstensyon ng panahon ng iba pang mga respondent para makapagsumite ng kanilang kontra-salaysay sa pagdinig sa September 6 ganap na alas 9:00 ng umaga.
Hindi naman ino-obliga na dumalo sa pagdinig ang mga respondents na nakapaghain na ng kanilang counter- Affidavit.
Sa isyu naman na hinihiling ni Senadora Leila De Lima sa status ng kaso laban kay Peter Jomel Advincula, binigyan nito ng limang araw ang PNP-CIDG para impormahan si de Lima kung arestado at nakasuhan na sa korte si Advincula.