Motibo ng pagpaslang sa radio broadcaster na si Juan Jumalon, inaasahang malalaman na kasunod ng pag-aresto sa lahat ng suspek

Pinuri ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pagkaka-aresto ng mga awtoridad sa suspek sa pagpaslang sa Misamis Occidental radio broadcaster na si Juan Jumalon noong nakaraang taon.

Ayon kay Remulla, na siya ring tumatayong chair ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), patuloy nilang isusulong ang pagprotekta sa mga mamamahayag laban sa mga karahasan.

Sinabi naman ni PTFoMS Executive Director Usec. Paul Gutierrez na maituturing na ito ngayong case solved.


Naaresto ang gunman na si Jolieto Dumaog Mangumpit sa Dipolog City ng pinagsamang pwersa ng Zamboanga del Norte at Misamis Occidental Police.

Napag-alaman na bukod sa pagpatay sa broadcaster, nahaharap din sa patung-patong na kaso ang suspek kabilang na ang murder, frustrated murder, direct assault at kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Sa ngayon, hawak na ng mga awtoridad ang lahat ng tatlong suspek sa karumal-dumal na krimen.

Kumpiyansa naman ang task force na mahahatulan ang tatlo at mabubinyag na rin ang motibo sa pagpaslang.

Binaril si Jumalon habang nagpo-programa sa loob ng kaniyang bahay sa Calamba, Misamis Occidental noong November 5,2023.

Facebook Comments