
Rumesbak si Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro sa kasong libel na inihain laban sa kaniya ni Batangas 1st District Representative Leandro Antonio Leviste.
Ayon kay Castro, wala pa siyang natatanggap na opisyal na kopya ng reklamo at ang kaniyang tugon ay nakabatay lamang sa mga pahayag ng mambabatas sa isang panayam.
Binigyang-diin ni Castro na si Leviste mismo ang nagsabing ang isyu ay nagmula umano kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, na hindi naman niya kinasuhan.
Aniya, kung ang naturang pahayag ay hindi nakasisira sa kongresista, walang malinaw na batayan upang ituring na libelous ang kaniyang pagtalakay sa parehong usapin.
Dagdag pa niya, inamin din ng mambabatas na hindi na niya pag-aari ang Solar Para sa Bayan matapos itong isuko, na aniya’y nagpapatunay na ang impormasyon ay mula rin mismo sa panig ni Leviste.
Giit ni Castro, nakakapagtaka kung sino ang tunay na nasa likod ng pagsasampa ng kaso laban sa kaniya, na hindi simpleng usaping legal kundi hakbang upang pigilan siya sa pagsasalita at sa pagtalakay ng mga isyung may interes sa publiko.










