Manila, Philippines – Handa ang kampo ng napatalsik na si dating CJ Maria Lourdes Sereno na sumunod sa kung anuman ang magiging pinal na desisyon ng Supreme Court sa inihain nilang Motion for Reconsideration sa quo warranto case ng Solicitor General.
Ito ang binigyang diin ng isa sa mga tagapagsalita ni Sereno na si Atty. Carlo Cruz sa pagharap sa media kaugnay ng kanilang paliwanag sa nilalaman ng kanilang apela sa Supreme Court.
Paliwanag ni Atty. Cruz na dapat talagang sumunod sa SC dahil ito ang kanilang ipinaglalaban.
Ayon kay Atty. Cruz, umaasa si Sereno na makikita ng mga mahistrado ng SC ang katotohanan na nakapagsumite ito ng kanyang SALN at mayroon lamang apat na hindi pa makita sa ngayon.
Nais ng dating chief justice na baligtarin ng SC ang kanilang desisyon pabor sa quo warranto.
Nilabag din anila ng anim na mahistrado ng SC ang karapatan ni Sereno na mabigyan ng due process nang tumanggi ang mga ito na mag-inhibit sa kaso.
Inihirit ni Sereno na ma-disqualify ang anim na mahistrado dahil sa anil ay pagiging bias ng mga ito.
Muling iginiit ng kampo ni Sereno ang section 2, article XI ng konstitusyon na ang mga impeachable officials gaya ng chief justice ay maari lamang tanggalin sa pwesto sa pamamagitan ng impeachment.