Manila, Philippines – Muling aapela ang kampo ni Sister Patricia Fox matapos ibasura ng Bureau of Immigration (BI) ang request niyang extension ng kanyang missionary visa.
Ayon kay Atty. Jobert Pahilga, isa sa mga abogado ni Fox, maghahain sila ng motion for reconsideration ngayong linggong ito.
Una nang sinabi ni BI Spokesperson Dana Krizia Sandoval, na nakita ng ahensiya na nalabag ni Fox ang mga kondisyon ng kanyang pananatili sa bansa at ikinunsiderang undesirable na nagbunsod ng paglalabas sa kanya ng deportation order.
Aniya, nakita ng kanilang legal team na ang pag-aapruba ng extension ng missionary visa ni Fox ay hindi magiging consistent sa findings na binigyang-diin sa kanyang deportation order.
Dahil dito, obligado si Fox na mag-apply para sa pag-downgrade ng kanyang visa sa loob ng 15 araw mula sa receipt ng kautusan.
Ang status ng visa ni Fox mula sa missionary visa ay mada-downgrade naman sa temporary visitor’s visa na mayroon lang 59 araw na validity period.
Nagsimula ito mula sa araw ng expiration ng missionary visa ni Fox noong Setyembre 5, 2018.
Samantalam may naka-pending pang apela sa Department of Justice (DOJ) si Fox kaugnay ng kanyang deportation.