Maghahain ng Motion for Reconsideration ang mga petitioner kontra Anti-Terrorism Act kasunod ng pagkadismaya ng ilang militanteng grupo sa desisyon ng Korte Suprema na pagtibayin ang naturang batas.
Ayon kay National Union of People’s Lawyer (NUPL) at Bayan Muna Chairperson Atty. Neri Colmenares, ang desisyon ng mataas na hukuman ay partial victory para sa civil at political rights laban sa “draconian” at mapanganib na batas.
Sang-ayon din si Colmenares sa Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang bahagi ng Section 4 na tungkol sa depinisyon ng terorismo at Section 2 Paragraph 2 na hinggil sa designation ng Jurisdiction at Supranational Jurisdiction.
Gayunpaman, dapat aniyang i-strike down ang deklarasyon ng Korte Suprema laban sa iba pang probisyon na may malaking epekto sa karapatang pantao at kalayaan.
Kabilang dito ang pagpapahintulot sa mga awtoridad na ikulong ang pinaghihinalaang tao ng 24 araw kahit walang reklamo o kaso; at pagbibigay kapangyarihan sa Anti-Terrorism Council (ATC) na tukuyin ang mga terorista at i-freeze ang mga ari-arian nito.
Samantala, nagpahayag din ng reaksyon si Vice President Leni Robredo na dapat matugunan din ang iba pang isyu sa naturang batas partikular ang pagtukoy ng tunay na ugat ng terorismo.
Dagdag pa ni Robredo na hindi dapat gamitin ang batas laban sa freedom of expression o legitimate dissent ng isang tao.