Dismayado ang ilang kritiko ng Republic Act No. 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020 sa kabila ng pagdedeklarang “unconstitutional” ng Korte Suprema sa dalawang probisyon nito.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, malaking tagumpay para sa mamamayan ang naging desisyon ng Supreme Court.
Gayunman, karamihan pa rin sa mga probisyong kinukwestiyon nila sa batas ang itinuring na constitutional kabilang ang Section 29 kung saan pinapayagan ang “warrantless arrest.”
Giit ni Zarate, binibigyan ng masyadong malawak na kapangyarihan ng batas ang Anti-Terrorism Council (ATC) na maaaring magbukas ng mas malaking puwang na malabag ang karapatan ng mga tao.
Samantala, pinag-iisipan na ng mambabatas na maghain ng motion for reconsideration sa iba pang kwestiyonableng probisyon sa batas.
Pero pangmatagalang opsyon pa rin nila ang apelang pagbasura sa Anti-Terrorism Council.