Nanawagan ng tulong ang isang pamilya sa Dagupan City matapos matangay ang kanilang motorsiklo na itinuturing nilang mahalagang alaala ng kanilang yumaong ina.
Ayon kay Ishbelle M. Ocuaman, nangyari ang insidente habang sinasamahan ng kanyang ama at kapatid ang isa pa niyang ate para sa chemotherapy sa Barangay Bonuan Binloc.
Bukod sa pagiging gamit sa araw-araw, malaking halaga umano ang nakakabit sa nasabing motor dahil ito ay pagmamay-ari ng kanilang ina na pumanaw na.
Hinihikayat ng pamilya ang sinumang makakita o posibleng nakabili ng naturang motor na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa City Information Office sa Dagupan.
Magbibigay rin umano ng pabuya ang pamilya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng ninakaw na motorsiklo.









