
Patuloy na mino-monitor at nagsasagawa ng assessment ang Philippine Coast Guard o PCG sa motor tanker na sumadsad sa baybayin ng Surigao del Norte.
Ayon kay PCG Spokesperson, Captain Noemie Cayabyab, ang MT Cheng Xian Feng 168 ay kasalukuyang nasa shoreline ng Barangay Poblacion 1, Burgos, Surigao del Norte.
Ito ay sumadsad dakong alas-4:30 ng madaling araw.
Aniya, wala namang oil spill na naobserbahan sa lugar kung saan naganap ang insidente.
Pero nagpapatuloy pa rin aniya ang technical assessment at verification sa barko para malaman ang posibilidad na pagkakaroon ng hull breach.
Ito ay para masiguro ang marine environmental protection.
Nasa ligtas namang kalagayan ang siyam na Filipino crew members na nakababa na sa barko para sa ibibigay na tulong at para sa isasagawang imbestigasyon.
Base sa inisyal na imbestigasyon, galing ang MT Cheng Xian Feng 168 sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental at patungo sanang Homonhon, Leyte.
Nakaranaa umano ang vessel ng biglaang engine trouble dakong 1:00 ng hapon kahapon kaya ipinag-utos ng kapitan ng barko na iangkla ito.
Pero dahil sa malakas na alon at daluyon ay naanod ang motor tanker sa shoreline.
Karga ng naturang vessel ang 3,500 liters ng diesel fuel para sa naturang barko.










