Pinapasuspinde ng Senate Committee on Public Services ang pagpapatupad ng Land Transportation Office (LTO) ng Motor Vehicle Inspection System o MVIS na ipinaubaya sa Private Motor Vehicle Inspection Centers o PMVICs.
Ang rekomendasyon ng komite na pinamumunuan ni Senator Grace Poe ay resulta ng pagdinig ngayong araw kung saan lumabas ang napakaraming reklamo laban sa MVIS at ang kawalan ng malawakang konsultasyon ng LTO.
Pangunahing angal ng mga motorista ang napakamahal na singil sa MVIS na dagdag pahirap lalo ngayong may pandemya.
Ipinunto rin ni Poe na hindi pa sapat ang nasa 23 PMVIC sa buong bansa at kailangan pang repasuhin ang patakaran at parameters ng inspeksyon.
Iginiit din ni Poe na kailangang magkaroon ng transparency sa pagpili ng LTO sa pribadong kompanya para maging PMVIC bukod sa kailangan ding linawin ang standard para sa mga makinang gagamitin sa pagsusuri sa roadworthiness ng mga sasakyan.
Kinuwestyon din ni Poe kung bakit inuna ang mga pribadong sasakyan na isaialim sa MVIS gayong mas madalas sangkot ang mga pampublikong sasakyan sa aksidente at mas malaki ang trahedya dahil mas marami itong sakay.
Dahil dito ay hindi aniyang maiwasang mapaghinalaan ang LTO na naghahabol ng malaking kita mula sa mga pribadong sasakyan na umaabot ang bilang sa 4 na milyon kung saan hindi pa kasama ang mga motorsiklo kumpara sa PUVs na nasa 400,000 lamang.