MOTOR VEHICLE LICENSING PROGRAM | Patuloy na problema sa kawalan ng license plates, sinisisi sa COA

Manila, Philippines – Sinisisi ngayon ang Commission on Audit (COA) sa nararanasang kawalan pa rin ng makabagong motor license plates sa kabila ng inilabas na pagpabor na dito ng Korte Suprema.

Ayon kay Atty. Patrick Penachos, legal counsel ng JKG-power plates, ang nakatakdang sanang magsuplay ng motor vehicle licensing program ng Land Transportation Office, inupuan lamang at hindi inaksyunan ng COA ang desisyon na inilabas ng Kataas-Taasang Hukuman.

Sinabi ni Penachos na noon pang Hunyo 14, 2016 nag-isyu ng paborableng desisyon ang SC na nagsabing legal at konstitusyunal ang isinulong na programa noon ng Transportation Department.


Dahil dito aniya, masyado nang nababalam at perwisyo ang dulot nito sa mahigit 10 milyong bumili at may-ari ng sasakyan na hanggang sa ngayon ay wala pang mai-release na license plates.

Batay sa desisyong sinulat ni Associate Justice Lucas Bersamin pinawalang bisa ang mga isyung bumalot sa kaso, kasama na ang alegasyong hindi ito nakapaloob sa 2014 national budget na isinumite ng noon ay Department of Transportation and Communication.

Facebook Comments