Simula ngayong araw, hindi na oobligahin pa ang mga motorcycle riders na magkasama sa bahay na maglagay pa ng barrier sa kanilang motorsiklo.
Ito ang kinumpirma ni Joint Task Force COVID Shield Commander Lt. General Guillermo Eleazar kasabay ng pagsisimula ng General Community Quarantine (GCQ) sa Metro Manila at ilan pang lalawigan sa bansa simula ngayong araw.
Ito ay matapos na aprubahan din ito ng National Task Force on COVID-19.
Ayon kay Eleazar, ang oobligahin lamang na pagamitin ng Angkas designed barrier ay ang mga rider na hindi magkasama sa bahay.
Dapat ang angkas ay Authorized Person Outside of Residence (APOR).
Ang driver naman ay maaring hindi APOR ngunit dapat pag-aari nito ang motorsiklo at not for hire.
Kinakailangan din na nakasuot ng facemasks at full face helmets ang magka-angkas sa motorsiklo.
Samantala, sa mga lugar na nasa Modified GCQ, ipinauubaya na ng NTF COVID-19 sa mga Local Government Unit (LGU) kung ipatutupad ang bagong guidelines sa motorcycle back riding.