Motorcycle law, hindi magdudulot ng panganib sa motorcycle riders

Manila, Philippines – Tiniyak ni Senator Richard J. Gordon na hindi magdudulot ng panganib sa mga motorcycle riders ang Motorcycle Crime Prevention Act na naglalayong resolbahin ang mga insidente ng krimen na kagagawan ng riding-in-tandem.

Giit pa ni Gordon, nilikha ang nabanggit na batas para proteksyunan ang mga may-ari at gumagamit ng motorsiklo.

Tugon ito ni Gordon sa mga umaalma sa itinatakda ng batas na paglalagay din ng plaka sa harap ng motor na posibleng maging sanhi ng aksidente dahil maari itong kumalas at makapinsala o makasakit.


Diin ni Gordon, sa simula pa lang ay napag-usapan ng pwedeng sticker, decal or vinyl ang ilalagay sa harapan ng motorsiklo at hindi metal plates na maaring makasagabal sa pagliko o pagmani-obra ng motor.

Dagdag pa ni Gordon, pati ang plate number sa likod ng motor ay hindi naman sobrang laki na maaaring ikatumba ng motor.

Paglilinaw ni Gordon, ang lalakihan lang ay ang font size ng alphanumeric code na mas kakaunti din ang characters para mas madaling matandaan ng publiko.

Facebook Comments