
Sugatan ang isang motorcycle rider sa bayan ng Burgos, Pangasinan isang vehicular traffic incident na kinasangkutan ng isang ten-wheeler truck, matapos umano nitong tangkaing mag-overtake sa limitadong espasyo ng kalsada.
Naganap ang insidente umaga ng Pebrero 4, 2026 sa kahabaan ng national road ng Barangay Poblacion, Burgos.
Ayon sa paunang imbestigasyon, kapwa binabagtas ng truck at ng motorsiklo ang nasabing kalsada patungong silangan.
Pagdating sa lugar ng insidente, nagtangka umanong lumiko pakanan ang truck patungo sa barangay road na papasok sa Sitio Aludig nang sabay namang subukang mag-overtake ng motorsiklo sa kanang bahagi ng truck sa kabila ng kakulangan ng espasyo, dahilan upang magsalpukan ang dalawang sasakyan.
Ang truck ay minamaneho ng isang 37-anyos na lalaking residente ng Iligan City, Lanao del Norte, kasama ang tatlong lalaking pasahero na pawang nasa hustong gulang at empleyado ng isang development corporation.
Samantala, ang motorsiklo ay minamaneho ng isang 62-anyos na lalaking mekaniko at residente ng Burgos, Pangasinan.
Dahil sa insidente, nagtamo ng mga sugat ang motorcycle rider, habang hindi naman nasaktan ang driver ng truck at ang mga sakay nito. Lahat ng sangkot ay dinala sa pagamutan para sa karampatang medikal na atensyon.
Nagtamo rin ng pinsala ang parehong sasakyan na hindi pa batid ang halaga ng pagkukumpuni. Dinala ang mga ito sa Burgos Municipal Police Station para sa wastong disposisyon.










