Motorcycle taxi expansion, itinigil na

Itinigil na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang motorcycle taxi expansion o ang pagpaparami pa ng bilang ng mga motorcycle taxi.

Sinabi ni LTFRB Technical Working Group Head Chairman Teofilo Guadiz, para sa pilot study ng MC taxi service sa bansa, magsusumite na ang TWG ng rekomendasyon sa Kongreso ngayong Mayo hinggil sa kalalagyan ng MC taxi service kaya itinigil na nila ang pagdaragdag ng bilang ng mga MC taxi operator na kasali sa pilot study.

Paliwanag pa ni Guadiz na magsu-submit na ang TWG ng rekomendasyon sa Kongreso ngayong Mayo ng resulta ng kanilang ginawa.


Aniya, ang desisyon ng Kongreso ang susundin ng LTFRB hinggil sa magiging kalagayan ng mga MC taxi service sa bansa.

Nilinaw ni Guadiz na ang MC taxi ay sagot sa problema ng pagkalat ng mga habal-habal na mga motorsiklo na nagsasakay ng pasahero nang walang permiso mula sa LTFRB.

Ang MC taxi service aniya ay trained ang mga driver at mayroon ding insurance ang mga pasahero nito, sagot aniya ito sa matinding daloy ng trapiko.

Sa ngayon aniya ay may 51,000 slots ng MC taxi sa Metro Manila at hindi na ito madaragdagan pa.

Una rito, nagsagawa ng isang media forum ang Public Transport Coalition sa QC upang ipanawagan sa LTFRB at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maitigil na ang MC taxi expansion.

Facebook Comments