Isinusulong sa Senado ang isang panukala na layong gawing legal ang motorcycle taxis bilang public utility vehicles (PUVs).
Ito ay sa gitna na rin ng pagtaas ng demand sa dagdag na opsyon para sa murang transportasyon ng mga commuter sa Metro Manila.
Hiniling ni Senator JV Ejercito ang agad na pagsasabatas sa Senate Bill 167 o Public Utility Motorcycles Act na layong amyendahan ang Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code para payagan ang mga motorsiklo na maging PUVs na legal na maghahatid ng mga pasahero na may bayad.
Ayon kay Ejercito, dapat na magkaroon na ng batas para dito dahil sa kasalukuyan pinapayagan lang ang mga motorcycle taxis na mag-operate sa pamamagitan ng provisional authority na inisyu sa kanila ng Department of Transportation (DOTr).
Maliban kay Ejercito na kilalang motorcycle at bike enthusiast, maraming pang senador ang naghain ng mga panukala para sa i-legalize ang “motorcycle for hire” kabilang sina Senators Grace Poe, Sonny Angara, Imee Marcos at Ramon Bong Revilla Jr.
Kasama rin sa isinusulong ng senador na bago maisyuhan ng lisensya ang mga motorcycle rider ay dapat dumaan ang mga ito sa mandatory training para matiyak ang safety o kaligtasan ng mga pasahero na siya rin namang kapansin-pansin na ginagawa ngayon ng Angkas, Grab at Lalamove.