Naniniwala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na malaki ang maitutulong ng mga motorcycle taxis sa hirap ng mga commuter sa pagbiyahe.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, nasa 75 hanggang 100 porsyento ng workforce ang halos nakabalik na sa trabaho kasabay ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya.
Sa taya ng kalihim, tinatayang nasa 400,000 pasahero ang stranded at hirap sa pag-commute.
“Kasi habang binubuksan natin yung economy at saka yung businesses ang problema naman wala naman masasakyan yung mga manggagawa at saka yung mga empleyado papuntang opisina,’’ sabi ni Año.
Pagtitiyak ni Año, ang mga barrier na naghihiwalay sa motorcycle rider at sa pasahero ay nananatiling requirement para maiwasang maipasa ang COVID-19.
Para sa karagdagang safety at health measures, hinihimok ni Año ang mga regular motorcycle taxi riders na magkaroon ng sarili nilang helmet.
Paglilinaw ng kalihim, hindi mandatory ang pagkakaroon ng sariling helmet pero kanya niya itong inirerekomenda hindi lamang sa rider pero maging sa mga pasahero.
Mahalaga ring madalas ang pagdi-disinfect sa mga helmet.
Dapat ding regular ang temperature checking ng mga riders bago tumanggap ng pasahero.
Sa kabila nito, maaaring suspendihin ang opersyon ng motorcycle taxi sakaling magkaroon ng pagsipa ng kaso ng COVID-19.