Motorcyle riders, binigyan ng hanggang July 19 upang mag-install ng barrier para sa back-riding

Binigyan ng hanggang July 19 o isang linggo ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield ang mga otorisadong motorcyle riders para maglagay ng barrier para sa pag-aangkas.

Ayon kay JTF COVID Shield Commander Lt. Gen Guillermo Eleazar, dalawa ang inaprubahang barrier design ng National Task Force (NTF) Against COVID-19.

Ito ay ang prototype model ng Bohol Provincial Government at ang design ng ride-hailing company na Angkas.


Nakipag-ugnayan na rin si Eleazar kay PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa para ma-iutos sa mga pulis na nakatalaga sa mga quarantine control points na ipakalat ang impormasyon patungkol sa palugit na ibinigay ng gobyerno.

Sa ngayon, sinabi ni Eleazar na imomonitor at magbibigay na lamang muna sila ng warning sa mga magkaangkas sa motorsiklo na walang tamang barrier.

Matatandaang pinayagan na ng gobyerno ang pag-aangkas sa motorsiklo matapos na ipagbawal nang ilang buwan dahil sa COVID-19 pandemic.

Facebook Comments