Mga riders na lumabag sa motorcycle riding policy umabot na sa mahigit 19,000 ayon sa JTF COVID Shield

Umakyat na sa 19,857 na mga motorcycle violators ang nahuli ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield na mga lumabag sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force (IATF) kaugnay sa back-riding policy mula August 1 hanggang kahapon.

Ayon kay JTF COVID Shield Commander Pol. Lt. Gen. Guillermo Eleazar, 18,430 sa mga nahuli ang may sakay na pasahero na walang gamit na authorized barrier sa kanilang motor.

16,053 sa mga ito ang binigyan lang ng citation, habang 2,377 naman ang dinala sa istasyon ng pulis.


1,427 naman ang nahuli na gumagamit nga ng barrier pero hindi naman na Authorized Person Outside of Residence (APOR) ang kanilang sakay.

1,170 sa mga ito ang inisyuhan ng citation habang 257 naman ang dinala sa police station.

Sa ipinatutupad na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ), tanging mga APOR lang ang pinapayagang lumabas ng bahay.

Pero una nang sinabi ni Eleazar na papayagan nila ang mga hindi APOR na motorcycle drivers pero dapat ay maghahatid at susundo lamang ng mga health at essential workers.

Facebook Comments