Patay ang isang 30-anyos na motorista matapos magulungan ng isang van truck sa national highway ng Barangay Camiling, Balaoan, La Union ngayong araw, Enero 1, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon at salaysay ng isang saksi, magkakasunod na binabaybay ng isang tricycle, motor, at van truck ang southbound lane.
Pagdating sa lugar ng insidente, nabangga umano ng motorsiklo ang likuran ng tricycle, dahilan upang tumumba ito sa kalsada.
Tinangka pang umiwas ng drayber ng van truck ngunit nagulungan pa rin ang biktimang driver ng motorsiklo.
Nawalan ng kontrol ang van truck at tumagilid bago huminto sa gilid ng kalsada.
Isinugod ang biktima sa Balaoan District Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Hindi naman nasugatan ang drayber ng tricycle at ng van truck.
Kapwa nagtamo ng pinsala ang mga sangkot na sasakyan na inaalam pa ang halaga ng pagkukumpuni.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.






