MOTORISTA SA TABACAL AT FOREST REGION, MAAAPEKTUHAN SA PAGSASARA NG ALICAOCAO OVERFLOW BRIDGE

Cauayan City – Sa pagsasara ng Alicaocao Overflow Bridge, tiyak na maaapektuhan ang mga tricycle drivers sa lungsod ng Cauayan partikular na ang mga mula sa Tabacal at Forest Region.

Sa eksklusibong panayam ng iFM News Team kay Ginoong Rey Manganahan, Tricycle Driver at siyang presidente ng San Luis TODA, kadalasan silang umiikot sa daan sa bayan ng Naguilian kapag hindi maaaring daanan ang Alicaocao Overflow Bridge.

Aniya, siguradong apektado sila dahil halos doble ang layo ng kanilang biyahe kaya’t bukod sa oras na gugugulin ay doble rin ang gasolinang makukonsumo.


Sinabi nito na sa ganitong pagkakataon ay talagang nagdadagdag sila ng singil sa pamasahe at naiintindihan naman umano ito ng mga pasahero.

Bagama’t makakaabala sa kanilang paghahanap-buhay, nagpapasalamat pa rin ang mga ito dahil maaayos ang nabanggit na approach ng tulay kaya’t mas magiging ligtas itong gamitin.

Facebook Comments