MOTORISTANG NAMBASTOS NG KAPULISAN MATAPOS MABIGYAN NG CITATION TICKET, INARESTO

Napilitang arestuhin ng kapulisan sa Bayambang ang isang lalaki matapos umanong mambastos at kuwestiyunin ang legalidad ng panghuhuli sa kanya nang mabigyan ng citation ticket dahil sa hindi pagsusuot ng helmet, alas singko y medya ng umaga noong Linggo, Pebrero 15, sa Brgy. Zone 1.

Ayon sa imbestigasyon, nahuli ang suspek sa isinagawang checkpoint sa lugar ngunit sa halip na tanggapin ang paglabag, kinuwestiyon pa umano nito ang mga kapulisan at iginiit na hindi pa saklaw ng oras ng panghuhuli dahil alas sais pa ng umaga umano ito dapat magsimula.

Hindi pa umano tumigil ang suspek sa pagbibitaw ng mga nakababastos na salita laban sa mga personnel kaya napilitan ang mga ito na arestuhin siya.

Bago ang nasabing diskusyon, nabisto rin umano na ang suspek ay nasa impluwensiya ng alak.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng kapulisan ang suspek at haharap sa kasong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code o Disobedience to a Person in Authority.

Facebook Comments