MOTORSIKLO AT SUV NAGBANGGAAN SA SUAL; ISANG RIDER SUGATAN

Sugatan ang isang rider matapos ang banggaan ng isang motor at SUV sa bahagi ng Poblacion, Sual, Pangasinan.

Ayon sa imbestigasyon, ang rider ay nasa ilalim ng impluwensiya ng alak nang mangyari ang aksidente.

Sa pahayag ng magkabilang panig, lumalabas na ang SUV ay patungong Labrador habang ang motorsiklo naman ay patungong Alaminos City. Pagdating sa isang matarik at kurbadang bahagi ng kalsada, nagkamali umano ng tantya ang rider ng motorsiklo at bahagyang pumasok sa kabilang linya, dahilan upang bumangga ito sa paparating na SUV.

Bunga ng banggaan, nagtamo ng pinsala ang rider ng motorsiklo at agad na isinugod sa ospital para sa kaukulang medikal na atensyon. Ang drayber ng SUV at ang mga sakay nito ay nanatiling ligtas. Parehong nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan, bagama’t hindi pa matukoy ang kabuuang halaga ng gastos sa pagkukumpuni.

Ang mga sangkot na sasakyan ay dinala sa himpilan ng pulisya para sa wastong disposisyon at patuloy na imbestigasyon. Muling pinaalalahanan ng pulisya ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho, lalo na sa mga kurbadang bahagi ng kalsada, at umiwas sa pagmamaneho kapag nasa ilalim ng impluwensya ng alak. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments