
Isang malagim na aksidente ang naganap bandang alas-2:50 ng madaling araw kanina, sa kahabaan ng national highway ng Brgy. Camp One, Rosario, La Union, na ikinasawi ng isang backride ng motorsiklo at ikinasugat ng drayber nito.
Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, isang truck na minamaneho ng isang 65-anyos na lalaking drayber, ang pansamantala umanong huminto upang pumasok sa Kennon Road.
Sa parehong oras, paparating naman mula sa kasalungat na direksyon ang isang itim na motorsiklo na minamaneho ng isang 25-anyos na binata, kasama ang kanyang backrider. Sa hindi pa malinaw na dahilan, bigla umanong bumangga ang motorsiklo sa unahang bahagi ng truck.
Dahil sa lakas ng banggaan, nagtamo ng matinding pinsala ang drayber at back rider ng motorsiklo at agad na isinugod sa ospital. Gayunman, idineklarang dead on arrival ang backrider, habang patuloy namang ginagamot ang drayber ng motorsiklo. Hindi naman nasaktan ang drayber ng truck.
Ayon sa ulat, pansamantalang nagkasundo ang mga sangkot na partido na ayusin ang insidente sa maayos at mapayapang paraan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang eksaktong sanhi ng aksidente, habang muling pinaalalahanan ang mga motorista na mag-ingat lalo na sa mga interseksyon at magpanatili ng sapat na distansya at tamang bilis sa pagmamaneho, lalo na sa madaling-araw. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










