Ikakasa na ang motu proprio investigation ng House Committee on Labor kaugnay sa nangyaring hostage taking sa isang mall sa San Juan kamakailan.
Ayon kay Labor Committee Chairman at 1PACMAN Partylist Rep. Eric Pineda, sa March 10 isasagawa ang pagsisiyasat sa insidente na kinasangkutan ng dating security guard na si Archie Paray.
Iginiit ni Pineda na bagamat hindi nila kinukunsinti ang ginawa ni Paray hindi naman dapat balewalain ang mga nabanggit nitong labor concerns na nagiging kalakaran sa mga security agencies.
Paliwanag ng mambabatas, kailangang gawin ng Kamara ang oversight functions nito na tiyaking nasusunod ang pagbibigay proteksyon at kapakanan ng mga manggagawa at empleyado.
Kabilang naman sa mga hinaing ni Paray na sisilipin ng Kamara ay korapsyon sa management ng security agency, iligal na pagtatanggal ng mga empleyado at hindi makataong working conditions.