
Handa na ang Manila Police District (MPD) sa paglalatag ng seguridad sa mga aktibidad ngayong kapaskuhan.
Partikular ang pagsasagawa ng simbang gabi sa December 16 kung saan inaasahan ang pagdagsa ng publiko.
Sa naging panayam kay MPD Public Information Office Chief Maj. Philipp Ines, mas lalo pa nilang paiigtingin ang police visibility upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan.
Bukod sa mga simbahan, nakatutok din ang MPD sa mga mall, pasyalan, terminal, Christmas bazaar at mga pamilihan tulad ng Divisoria para maiwasan ang anumang mga krimen na madalas na nangyayari kapag holiday season.
Nabatid na noong nakaraang taon, pumalo sa halaos dalawang milyong indibidwal ang namili sa Divisoria kaya’t isa ito sa mahigpit na babantayan ng MPD.
Sa pahayag pa ni Maj. Ines, magtatagal ng hanggang January 6, 2026 ang inilatag nilang seguridad kung saan magbabago ito bunsod ng pagdiriwang kapistahan ng Poong Itim na Jesus Nazareno.









