Handa na ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa gagawing prusisyon ng mga replica ng Itim na Poong Nazareno ngayong araw.
Ito’y bilang bahagi ng aktibidad ng Quiapo Church sa paggunita ng Semana Santa.
Una nang nakipag-ugnayan ang MPD sa pamunuan ng simbahan ng Quiapo at sa mga organizer para sa plantsahin ang ilalatag na seguridad at kaayusan gayundin ang pagpapatupad ng inilatag na guidelines sa minimum health protocols.
Kaugnay nito, magtatalaga ng sapat na bilang ng mga tauhan ang MPD para sa gagawing prusisyon mamayang alas-5:00 ng hapon.
Ayon kay MPD Director Brig. Gen. Leo Francisco, nasa 100 sasakyan na may dalang replica ng Poong Itim na Nazareno ang makikibahagi sa prusisyon.
Aniya, magsisimula ito sa Carriedo Street at iikot sa ilang bahagi ng Maynila hanggang makarating ng simbahan ng Quaipo.
Nananawagan naman ang MPD sa mga lalahok at maging sa mga deboto na mag-aabang sa prusisyon na pairalin pa rin ang health protocos tulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing.