Handang-handa na ang Manila Police District (MPD) sa pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan sa lungsod ng Maynila, sa Martes, August 29.
Ayon kay MPD Chief Police Brigadier General Andre Dizon, nasa mahigit 200 ang bilang ng public at private schools sa Maynila kaya naman masusing pinaghahandaan ng pwersa ng MPD ang pagbubukas ng klase.
Magtatalaga aniya sila ng hindi bababa sa dalawang pulis sa bawat gate ng mga paaralan, at magpapatrolya rin ang bike, motorcycle, at mobile patrols ng MPD.
Ani Dizon, ito ay para mapalakas ang crime prevention strategies ng MPD at pigilan ang mga masasamang loob o kriminal sa pananamantala sa mga estudyante at guro.
Magpapaskil din ang MPD ng tarpaulins sa mga gate ng paaralan na mayroong hotlines at QR code para sa mabilis na access ng publiko sa mga police station sa Maynila.